Nakunan sa closed-circuit-television camera ang paghulog sa isang babae mula sa umaarangkadang kotse sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing walang pagkakakilanlan sa biktima na dinala sa isang ospital.
Sa kuha ng CCTV video sa isang establisyimento sa Congressional Avenue sa Quezon City, makikita ang paghulog sa biktima dakong 1:00 a.m.
Tumigil naman ang ilang motorista na nakakita sa biktima na duguan at walang malay para tulungan ang babae at hindi mahagip ng iba pang sasakyan.
Batay sa impormasyon mula sa mga nakakita sa pangyayari, sinabi ng opisyal ng barangay Bahay Toro na nakasasakop sa lugar, nahulog ang biktima sa isang puting sasakyan na patungo sa direksyon ng Mindanao Avenue.
Inaalam pa ng barangay kung makukuha ang plaka o anumang pagkakakilanlan sa sasakyan.
"Positive yung nagsasabi dun na nakakita na inihulog siya dun sa kotse dahil 'yon lang ang dumaan. Paglampas ng kotse, tao na yung nandun na naiwan," ayon sa barangay desk officer na si Roberto Laureta.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Source: GMA